Maging si Vice President Leni Robredo ay hinamon na rin ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na makipag-debate sa kanya.
Ayon kay Roque, wala kasing tigil ang bise presidente sa kakapuna sa administrasyong Duterte kaya’t mainam na kumasa na lang ito sa debate.
Sinabi ni Roque na naging dorm mates sila noon ni Vice President Leni sa University of the Philippines (UP) at kahit sa UP Kalayaan dorm isakatuparan ang debate.
Giit ng kalihim, dapat ang magiging paksa sa debate ay kung ang independent foreign policy ba ni Pangulong Rodrigo Duterte na “friends to all” at “enemy to none” ang naging dahilan kung bakit nawala ang ilang teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.
Dagdag pa nito, maliban sa pangalawang Pangulo, isali na rin sa debate sila former Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na tinutukoy ng Pangulo na nagpamigay ng isla sa West Philippine Sea matapos nitong ipag-utos sa Philippine Navy na umatras sa Scarborough dahilan kung bakit ito inaangkin ngayon ng China.