VP Leni, inendorso ng mga national artists; pumirma rin ng mga kasunduan sa iba’t ibang sektor

Inendorso ng limang national artists si Vice President Leni Robredo sa kaniyang pagtakbo sa pagkapangulo nitong Lunes, ika-14 ng Pebrero.

Sa isang pagtitipong tinawag na “Pusuan ang Sining at Kultura; State of the HeART”, nagpahayag ng kanilang suporta para kay Robredo ang mga National Artists na sina Ben Cab, Alice Reyes, Ramon Santos, Ryan Cayabyab, at Rio Alma. Sinabi ni Reyes, National Artist for Dance, na kailangan ng bayan si Robredo, at dapat gawin ng Pilipino ang lahat para sa bayan.

“She needs us, we need her. Gawin natin lahat for the love of this country,” ani Reyes.
Sa kaparehong araw ay pumirma rin ng mga kasunduan ang Bise Presidente sa mga grupong sa Seniors4Leni at LGBTQIA+ for Leni, kasama ang kaniyang running mate na si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, at ilang mga senador na bahagi ng kaniyang senatorial ticket.


Sa kasunduang nilagdaan ni Robredo at Seniors4Leni, nakasaad na tututukan ng administrasyong Robredo ang pagsigurong mapo-protektahan ang mga senior citizens mula sa epekto ng pandemya, lalo na ang mga nagtatrabaho sa informal sector, mga may kapansanan, at mga nasa mas mahihirap na sektor.

“Ang pinapangako po namin ni Sen. Kiko saka ‘yung buong slate, hindi lang ‘yung nakasaad sa covenant, pero sisiguraduhin na kasama niyo kami every step of the way, na ‘yung kahirapan ay magiging kahirapan din namin,” ani Robredo.

Sa kasunduan naman sa pagitan ni Robredo at ng 27 na LGBTQIA+ organizations, nangako ang kandidato sa pagka-Pangulo na ipaglalaban niya ang pantay na karapatan at pagtrato sa lahat ng tao.

“Patuloy tayong mag-uusap, naghahanap ng paraan para lalong mapabuti. Para lalong mapabuti hindi lang ‘yung inyong sektor pero ‘yung lahat ng nangangailangan ng ating tulong,” sabi ni Robredo, na isa sa mga sponsor ng Anti-Discrimination Bill noong siya ay Congresswoman ng ikatlong distrito ng Camarines Sur.

Sa ‘Martsa Para sa Pag-ibig’ bago ang covenant signing, inendorso ng mga LGBTQIA+ organizations si Robredo para sa pagka-Pangulo sa darating na halalan dahil sa kaniyang pagtatanggol sa karapatan ng LGBTQIA+ community.

Facebook Comments