Inilahad ni Vice President Leni Robredo ang kaniyang paraan para itaguyod ang pangarap ng mga Pilipino na isang gobyernong tapat kung siya ay palaring manalo bilang pangulo sa darating na halalan sa ika-9 ng Mayo.
“Iisa ang pinagdadaanan natin, iisa ang laban natin, iisa ang mga pangarap natin. At ang landas tungo sa mga pangarap na ito: Gobyernong tapat sa tungkulin, tapat sa prinsipyo, tapat sa pinaglilingkurang Pilipino,” sabi ni Robredo sa kaniyang talumpati sa General Santos City nitong Martes, ika-15 ng Marso.
Para kay Robredo, para makamit ito, hindi sapat ang pagpapalit lamang ng apelyido ng mga pulitiko, kundi ng “mismong luma at bulok na klase ng pulitika na nadadaan sa transaksyon at palakasan”.
“Ang kailangan po natin ibalik yung matino, mahusay, masipag, at makataong pamamahala. Gobyernong agad na sasaklolo sa mga nangangailangan; na handang pumunta kahit saan, kahit na anong oras; handang humarap sa kahit anong laban; walang itinatago, walang pagtataguan, walang aatrasan,” dagdag niya.
Sa Linggo, ika-20 ng Marso, inaasahan na libo-libo ang dadalo sa people’s rally sa Pasig para makiisa kay Robredo sa pangarap na ito.
Kamakailan lang ay naghayag ng suporta para sa kandidatura ni Robredo ang mga nagawaran ng The Outstanding Women in the Nation’s Service (TOWNS), kabilang sina OPM icon Celeste Legaspi, dating Health Secretary Esperanza Cabral, social activist na si Teresita Ang-See, batikang mamamahayag a si Cheche Lazaro, ballerina na si Lisa Macuja, at beteranang aktres na si Boots Anson Roa.
“Of all the candidates aspiring for the highest position in the land, VP Leni best represents the values of excellence, service, and patriotism that we stand for. She epitomizes the kind of leader we need to help us fulfill our hopes and dreams for a better Philippines,” ayon sa TOWNS awardees.