VP Leni, ipinagmalaki ang kanilang COVID-19 response sa kabila ng limitadong budget

“Tiwala” at “Mabuting gawa”.

Ito ang pinaghahawakan ni Vice President Leni Robredo kasabay ng pagsasagawa ng iba’t ibang programa para tugunan ang pandemya.

Sa kanyang Ulat sa Bayan, sinabi ni Robredo na ang budget lamang ng Office of the Vice President (OVP) na hindi lalagpas sa 900 million pesos para sa taong 2021, pero nagagawa nilang rumesponde para sa nangangailangan ng mga tao.


Pinasalamatan din niya ang mga private partners at volunteers na gawing posible ang COVID-19 response programs na inilunsad ng OVP noong nakaraang taon.

“Walang malaking budget ang OVP; wala kaming malaking makinarya tulad ng ibang ahensya. Ang budget namin, tiwala; ang makinarya namin, taong nagkakawang-gawa,” ani Robredo.

Pinuri rin ni Robredo ang mga Pilipinong tumutulong sa kanilang mga kababayan sa gitna ng mga hamon at banta ng pandemya.

Nasaksihan mismo ng OVP kung paano nagtutulungan ang mga Pilipino sa bawat isa.

“Ang totoo: Pilipino ang tumulong sa kapwa Pilipino; Pilipino ang sumalo sa kapwa Pilipino; nakaraos lang tayo sa nakaraang isa’t kalahating taon dahil sa lakas na ibinigay natin sa isa’t isa. Humaharap po ako sa inyo ngayon para idiin: Maraming, maraming salamat sa inyo,” dagdag pa ng bise presidente.

Bago ipinatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) noong nakaraang taon, nagsagawa ang OVP ng online donation drive para tugunan ang pangangailangan ng mga fronliners tulad ng personal protective equipment, medical supplies at food and care packages.

Naging posibleng aniya ito sa tulong ng mga partners, donors at volunteers.

Pinasalamatan din ni Robredo ang mga local dressmakers at community-based sewers na gumawa ng abot-kayang PPE sets, maging nag mga kumpanyang nagpahiram ng kanilang mga pasilidad at sasakyan para ihatid ang mga medical frontliners sa mga ospital noong ECQ.

Bukod dito, inilunsad din ng OVP ang Bayanihan E-skwela at Community Learning Hubs para tulungan ang mga mag-aaral ngayong distance at blended learning.

Naglunsad din sila ng jobs-matching platform na sikap.ph, iskaparate.com para sa maliliit na negosyo, TrabaHOPE para sa out-of-school youth, at Community Mart app.

Facebook Comments