VP Leni, magiging pangulo ng lahat ng kulay, hindi lang ng mga kakampink

Handang-handa na si Vice President Leni Robredo na mamuno bilang susunod na presidente ng bansa.

 

Pangako ni Robredo, hindi lang siya magiging pangulo ng kaniyang mga tagasuporta o ng mga “kakampink”, kundi ng lahat ng kulay.

 

Pakiusap ni Robredo sa kaniyang mga tagasuporta na mahalin ang lahat kahit ang mga hindi kaparehas ng paniniwala ngayong eleksyon.


 

Aniya, ito ang tunay na pagkakaisa, handang magsama-sama dahil sa pagmamahal sa bansa at nakasalalay sa lahat ng Pilipino ang kinabukasan ng Pilipinas.

 

Wala ring maliit o malaking sektor sa administrasyong Robredo kapag siya ang nahalal bilang pangulo.

 

Kasabay ng kaniyang pangangampanya, nakikipagpulong  si Robredo sa iba’t ibang sektor, kahit pa sa mga liblib at malalayong lugar para mas maunawaan ang kanilang mga pangangailangan at kung paano ito matutugunan.

 

Sa sektor ng Agrikultura, ilan sa mga pangako ni Robredo na muling pag-aralan ang Rice Tariffication Law na nagpapahirap sa mga magsasaka ng palay.

 

Aayusin din niya ang rehistro ng mga magsasaka at itutuloy ang pamamahagi ng mga lupain na nakalaan para sa mga magsasaka.

 

Para sa kababaihan, nais ni Robredo na magtayo ng mga day care center sa mismong mga lugar ng trabaho para makapagtrabaho ang mga nanay.

 

Ginawa na niya ito para sa mga naghahabi ng T’nalak sa Lake Sebu sa South Cotabato kung saan nagtayo ang Office of the Vice President ng isang nursery school para sa mga anak ng mga naghahabi.

 

Sa edukasyon, panata ni Robredo na doblehin ang pondo para mapataas ang kalidad ng pag-aaral ng kabataan at sisiguraduhin na matugunan ang pangangailangan ng mga guro.

 

Sa kabila ng mga batikos, nakatuon pa rin ang atensyon ni Robredo sa kaniyang mga plano para sa bansa at patuloy na pinaghuhusayan ang kaniyang trabaho.

Facebook Comments