VP Leni, nagdala ng relief goods sa mga nasalanta ng Bagyong Odette
Agad na nagtungo si Vice President Leni Robredo sa mga lugar na labis nasalanta ng super typhoon na si Odette tulad ng Bohol at Cebu City para alamin ang mga agarang pangangailangan ng mga tao at magdala ng relief assistance para sa kanila.
Kinumusta ni VP Leni ang kalagayan ng ating mga kababayan at nakipagpulong siya sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang tumulong sa koordinasyon ng relief at rebuilding efforts.
Tiniyak ni VP Leni sa mga nasalantang pamilya na hindi niya sila iiwanan.
Linggo, ika-19 ng Disyembre, ay nagsimula nang ipadala sa mga komunidad na tinamaan ng bagyo ang mga relief goods na inihanda ng mga volunteers sa Leni-Kiko headquarters sa Quezon City na ginawang relief operations center sa pamumuno ni VP Leni.
Tumulong ang Philippine Air Force, ang Philippine Coast Guard, at ang Philippine Airlines para dalhin sa mga hard hit areas tulad ng Surigao del Norte, Siargao at Dinagat Islands ang mga food items tulad ng bigas, canned goods, noodles, gatas, kape, at biskwit.
Sa iba’t ibang panig din ng bansa ay mabilis na kumilos ang mga supporters nina VP Leni at Senador Kiko Pangilinan, sinantabi muna ang pangangampanya sa darating na halalan para tulungan ang mga nasalanta ng bagyo. Bukod pa sa relief goods ay nagbahagi sila ng mainit na pagkain tulad ng lugaw sa mga evacuees.
Ayon sa mga awtoridad, ang Odette ang isa sa mga pinakamalakas na bagyo sa mundo ngayong taon. Matinding pinsala ang dinala ng Odette sa maraming bahagi ng Visayas at Mindanao nuong tumama ito sa bansa nuong Disyembre 16. [END]