Inihalintulad ni presidential candidate Vice President Leni Robredo sa last two minutes sa basketball ang nalalabing dalawang linggo bago ang eleksyon sa Mayo 9.
Aniya, pinakamahalaga ang mga natitirang araw para pag-igihan pa ang kampanya, at excited na siyang makitang ipaglaban ng mga kabataan ang bansa.
Sa nalalabing oras ng kampanya, lalong umigting ang pambabato ng batikos sa bise presidente.
Sa kaniyang rally sa Gapan City, Nueva Ecija nitong Lunes, sinagot ni Robredo ang isa sa mga fake news na ang oposisyon umano ay elitista.
Ipinaalala ni Robredo na lahat ng kaniyang mga programa ay para sa mga mahihirap, kagaya ng mga proyektong pagsugpo sa kahirapan ng Angat Buhay program.
Nagbibigay rin ng kabuhayan ang Office of the Vice President sa mga mahihirap na kababaihan.
Ang mga mahihirap din ang pinaka-nakinabang sa kanyang mga nagawa ngayong pandemya kagaya ng mga libreng COVID-19 test, libreng konsultasyon sa mga doctor at mga libreng gamot.
Isa sa mga plano ni Robredo kapag siya ang nanalo bilang pangulo ang pagsulong sa mas madaming trabaho sa mahihirap, at mas malaking pondo para sa agrikultura, at pagpapabuti ng edukasyon na malaking tulong para maiangat ang buhay ng bawat Pilipino.