Nanindigan si Vice President Leni Robredo sa kanyang naging ulat o assessment sa war on drugs ng pamahalaan kung saan sinabi nitong palpak ang naging kampanya ng Duterte Administration.
Sa naging pahayag ni VP Leni sa pagdalo nito sa news forum sa kapihan sa Manila Bay, inamin niya na maaring hindi niya nabasa ang lahat tungkol sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Pero sinabi ni Robredo na mukhang hindi pa rin nababasa ng mga nagkokomento sa kanyang naunang pahayag ang kabuuan ng kanilang report mula sa labing walong araw niyang pagiging co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs o ICAD
Paliwanag ng pangawang pangulo, hindi lang naman puro kritisismo ang nilalaman ng kanyang report sa war on drugs kung saan nakapaloob din dito ang mga magagandang nagawa sa ilalim ng kampanya ng pamahalaan kontra droga.
Depensa ng bise presidente, nakadepende ang nilalaman ng kanilang report sa mga datos na nanggaling din naman sa mga ahensiya ng pamahalan.
Ayon kay VP Leni, may isang datos lang na hindi galing sa ahensiya ng pamahalaan na isinama sa report pero galing ito sa official publication ng United States Agency for International Development (USAID) dahil walang makuhang datos mula sa gobyerno.
Kung may mga bumabanat man aniya o nagsasabing mali ang kanyang mga datos, sinabi niya na galing ang lahat ng ito sa gobyerno.
Paliwanag pa ni VP Leni, ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) at hindi lang parehong miyembro ng ICAD kundi bahagi ng enforcement cluster nito at kapag may ibinigay na data ang PNP dapat tanggapain ito ng PDEA at kung mali naman ang datos dapat itama agad ito ng PDEA.
Muling sinabi ni VP na wala siyang pagsisisi na naging parte siya ng ICAD at nagpapasalamat siya sa oportunidad na maging co-chair nito kahit sa napakaigsing panahon.
Hinamon naman ni VP Leni ang administrasyon na maging bukas sa ibang mga suhestiyon sa kampanya kontra droga.