Manila, Philippines – Walang nakikita si Vice President Leni Robredo na dahilan para ipagdiwang ang ika-100 kaarawan ni dating President Ferdinand Marcos.
Aniya, bagamat nirerespeto nila ang karapatan ng sinuman na magdiwang sa kapanganakan ng kanilang mahal sa buhay, hindi naman siya sang-ayon na kailangan pang idineklara national holiday ang araw na ito.
Binigyan diin ni VP Leni na hindi dapat ipagbunyi ang araw ng kapanganakan ng dating Pangulong Marcos dahil hindi pa tuluyang naghihilom ang sugat na idinulot ng batas militar.
Maituturing din aniya nabinabago ang kasaysayan dahil kinakalimutan na ang mga atraso at kasalanan ng dating Pangulong Marcos.
Tumanggi rin si VP Leni na magbigay ng anumang wish sa 100th birthday ni Marcos.
Ipinagkibit-balikat din niya ang pagtawag ni Governor Imee Marcos sa kaniyang kapatid na si Bongbong bilang Vice President nang magtalumpati siya sa naturang okasyon.