Nangako si Vice President Leni Robredo na gagawing agaran ang pagtugon ng pamahalaan sa mga kalamidad kapag siya ang nahalal na pangulo sa May 9.
Sinabi niya ito sa isang pulong kamakailan kasama ang mga mangingisda at residente ng San Jose, Sogod, Southern Leyte na nawalan ng mga bahay at nasira ang pinagkakakitaang bangka dahil sa Bagyong Odette.
Binigyang-diin ni Robredo ang halaga ng pagpapadala ng mabilis na tulong sa mga biktima ng kalamidad at ang pagpunta ng mga opisyal ng pamahalaan tulad niya sa mga tinamaang komunidad para alamin ang kanilang sitwasyon at mga pangangailangan.
Madalas daanan ng malalakas na bagyo ang bansa na nagreresulta sa pagkasira ng mga tahanan, kabuhayan at minsan pagkasawi ng mga residente.
Nang hinagupit ng Bagyong Odette ang mga rehiyon sa Visayas at Mindanao, agarang nagsagawa ng donation drive ang Office of the Vice President (OVP) sa Metro Manila.
Pansamantalang naging relief operation center ang Leni-Kiko volunteer headquarters.
Nakapagpadala ng daang libong relief packs, hygiene kits at emergency kits ang OVP bilang paunang tulong sa mga nasalanta.
Nagpadala rin ng mga home repair kits na may mga kahoy, yero at pako sa mga nawalan ng tirahan dahil sa bagyo.
Ayon kay Robredo, kailangang matanggal na ang mahahabang proseso sa mga opisina ng gobyerno na minsan nagiging dahilan ng pagkaantala ng mga ayuda at rehabilitasyon ng mga imprastraktura.
Nagawa na niya ito sa OVP dahil siya mismo ang nanguna sa mga relief, rehabilitation efforts at gagawin niya ito kapag siya ang mahahalal na pangulo.