VP Leni Robredo, handang tumulong ano pa man ang posisyon nito

Patuloy na tutulong si Vice President Leni Robredo sa publiko at sa pamahalaan, mayroong hinahawakang posisyon o wala.

Ito ang tugon ng kampo ng Bise Presidente sa pahayag ng Malacañang na dapat tumulong si Robredo sa pamahalaan na makahanap ng solusyon sa pagpapauwi ng mga Locally Stranded Individual (LSIs) sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, ang tagapagsalita ni Robredo, trabaho ni Robredo na tulungan ang kapwa Pilipino lalo na sa pag-ahon sa kahirapan, paglaban sa ilegal na droga at pagharap sa mga hamon ng COVID-19.


Aniya, hindi nakadepende si Robredo sa anumang posisyon para tumulong.

Pagtitiyak ni Gutierrez sa publiko na patuloy na gagampanan ni Robredo ang mandato nito na pagsilbihan ang mga Pilipino anuman ang itatalaga sa kanyang posisyon, anuman ang resources na ibibigay sa kanya, at anumang suporta na matatanggap niya mula sa administrasyon.

Bago ito, iminungkahi ni dating Senator Antonio Trillanes IV sa Duterte Administration na italaga si Robredo bilang pinuno ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Tinabla naman ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque at sinabing tumutulong si Robredo sa kanyang pamamaraan at hindi na kailangang italaga pa siya sa IATF.

Facebook Comments