Pinayuhan ni Vice President Leni Robredo ang mga Local Government Units (LGU) na mag-isip ng mga malikhaing paraan para maihatid ang basic goods sa kanilang mamamayan sa gitna ng COVID-19 outbreak.
Sa programang biserbisyong leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na pumukaw sa kanyang atensyon ang “kopyahan” nina Pasig City Mayor Vico Sotto at Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ng ilang programa tulad ng “market on wheels” kung saan nag-iikot sa mga komunidad para ihatid ang pagkain at iba pang essential goods, at mapababa ang tiyansang kumalat ang COVID-19 sa mga matataong lugar.
Kaya, hinimok ng bise presidente ang iba pang LGU na mag bahay-bahay sa paghahatid ng tulong para mahikayat ang mga residente na manatili sa kanilang mga tahanan.
Iginiit din ni Robredo na dapat tiyakin ng pamahalaan na ang pondong inilalaan sa tatlong pampulikong ospital ay para lamang sa COVID-19 patients sa ilalim ng bayanihan law.
Ang mga ospital na tinutukoy ng bise presidente ay Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila, Jose M. Rodriguez Memorial Hospital Sa Caloocan, at Lung Center of the Philippines sa Quezon City.
Umaasa si Robredo na hindi magaya ang Pilipinas sa Spain o Italy na matinding tinamaan ng COVID-19.