Ipinagtanggol ni Albay Representative Joey Salceda ang ginagawang “red-tagging” kay Vice President Leni Robredo.
Ipinalalabas kasi ng mga kritiko ng ikalawang Pangulo ng bansa na posibleng kumiling o pumanig ito sa mga rebeldeng grupo dahil sa suportang nakukuha mula sa mga militante.
Pero giit ni Salceda, malabong mangyari ito dahil si Robredo ay suportado ng 33 Heneral at mga Admirals, kasama na rito ang apat na mga dating Chief of Staff ng hukbong sandatahan.
Paalala ng Kongresista, matatandaan na maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay sinuportahan din ng mga progresibong grupo at naging bahagi pa nga ang mga ito ng kanyang koalisyon pero kailanman ay hindi ito naakusahang komunista.
Depensa pa ng mambabatas, nauunawaan ni VP Leni na kapag pumalya ang institusyon sa mga mahihirap at mga naaapi ay mararamdaman ng mga ito na walang ibang paraan kundi armadong ilaban ang kanilang mga karapatan.
Dagdag pa ni Salceda, ang pinakaugat ng insurhensya ay kahirapan na tiwalang ilalaban ni Robredo sa oras na ito ay maupo sa Malacañang.