Mabilis na kumilos si presidential candidate Vice President Leni Robredo at ang kaniyang mga tagasuporta para makatulong sa mga apektado ng super typhoon Odette.
Sinabi ni Vice President Leni na bago pa mag-landfall si Odette ay nakapag-preposition o nakahanda na ang tulong para sa mga naapektuhan ng pananalasa ng bagyo.
Agad din siyang nakipag-ugnayan sa mga gobernador ng Surigao del Norte at Dinagat Islands na sina Lalo Matugas at Kaka Bag-ao para malaman kung ano ang kanilang mga pangagailangan.
Nilagay ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Signal Number 4 ang Dinagat Islands at Surigao del Norte kabilang ang Siargao Island at Bucas Grandes Islands kasama ang Southern Leyte at silangang bahagi ng Bohol dahil sa nararanasan nilang hagupit ni Odette.
“Alam natin, ‘yung problema ‘pag mandatory evacuation kasi talaga, kailangan maraming pagkain,” ayon kay Vice President Leni.
Agad na kumilos ang mga kakampink.
Sa Sogod, Southern Leyte, namahagi ng 200 champorado cups ang Robredo People’s Council (RPC) sa mga evacuees.
Nagpalugaw naman sa mahigit 700 na katao sa mga evacuation center sa Taft, Eastern Samar ang mga volunteers.
Lugaw at champorado rin ang hinanda ng mga Leni-Kiko volunteers sa Surigao City para sa mga evacuees.
Sa Arteche, Eastern Samar at Tacloban, Leyte, nagsimula nang ayusin ng volunteers ang relief goods.
Ang Maasin Youth for Leni ay namahagi ng relief packs sa mga barangay ng Sorosoro, Mambajao, Asuncion, Rizal, Tagnipa, at Mantahan sa Southern Leyte.
Sa isang panayam ng media kahapon sa vaccine express para sa mga marino na ginanap sa Mall of Asia, Pasay City, tinanong si Vice President Leni kung ano ang aasahan ng mga tao kung siya na ang pangulo at may mga sakuna o kalamidad.
“Ako, definitely very hands on ako at hindi lang ‘yung pupunta ako para silipin. Ako – alam ito ng mga constituents ko sa distrito – na before, during, and after every sakuna, nandun ako. Gusto kong sabihin nandun ako for as long as I’m needed, hindi ‘yung parang nagpakita lang ako,” sabi ni Vice President Leni.
Mismong si Vice President Leni ang nagbibigay ng updates sa kaniyang official Twitter at Facebook accounts ng relief efforts na ginagawa ng Office of the Vice President (OVP).
Nakatutok siya sa relief operations at sinisiguradong natutugunan ang kailangan ng mga tao.