Umuulan ng dalamhati at simpatiya mula sa iba’t-ibang artista at pulitiko ang pagkamatay ng beteranong aktor at director na si Eddie Garcia. Kabilang sa nakikiramay si Bise Presidente Leni Robredo.
Ayon kay Robredo, tinaguariang icon ng Philippine movie at television industry si Manoy na kapwa niya Bicolano.
Ibinahagi niya ang pakikiramay sa pamamagitan ng social media.
Lubos akong nakikiramay sa pamilya at mahal sa buhay ng isang kapwa taga-Bicol, si Manoy Eddie Garcia, isa sa ating haligi ng industriya ng telebisyon at pelikula. Hindi matatawaran ang kaniyang ambag sa sining, na nag-iwan ng marka ng kahusayan na walang kinikilalang panahon.
— Leni Robredo (@lenirobredo) June 20, 2019
Ani Robredo, “Lubos akong nakikiramay sa pamilya at mahal sa buhay ng isang kapwa taga-Bicol, si Manoy Eddie Garcia, isa sa ating haligi ng industriya ng telebisyon at pelikula.”
“Hindi matatawaran ang kaniyang ambag sa sining, na nag-iwan ng marka ng kahusayan na walang kinikilalang panahon,” dagdag pa niya.
Kinumpira ng Makati Medical Center ang pagpanaw ni Garcia kahapon matapos magtamo ng neck fracture habang nagtataping sa upcoming teleserye ng GMA 7 sa Tondo, Maynila noong Hunyo 8. Halos isang linggo din comatose ang premyadong aktor.