Dumarami at tuloy-tuloy ang mga tumataya at tahasang nagdedeklara ng pagsuporta para sa kandidatura sa pagka-pangulo ni Vice President Leni Robredo, kabilang na ang higit walumpung opisyal ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.
Bukod pa rito, limang lalaking gobernadora ang nag-endorse din sa kandidatura ni Robredo, ang nag iisang babaeng kandidato pagka-pangulo.
Ayon kay Northern Samar Governor Edwin Ongchuan, sila sa Northern Samar ay sang-ayon sa tingin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang susunod na presidente ng bansa ay “mahabagin, mapagpasyahan o hindi mapag-alinlangan at magaling kumilatis ng karakter ng isang tao” at sama-sama sa paniniwalang si Robredo ang kandidatong pinaka-nagpapamalas ng mga katangiang ito.
Ganito rin ang paniniwala ni Eastern Samar Governor Ben Evardone at House Deputy Speaker Rufus Rodriguez na taglay ni Robredo ang katangiang hanap ni Pangulong Duterte sa susunod sa kaniya bilang Presidente.
Si Evardone na isa sa mga opisyal ruling PDP-Laban Party at malapit na kaalyado ng Pangulo, ay nakakuha ng basbas ni Duterte para ihayag ang suporta kay Robredo na kinakikitaan ni Evardone ng sinseridad sa pagtulong sa mga mahihirap.
Nitong Lunes, ika-14 ng Marso, nakuha rin ni Robredo ang pag-endorso ni Governor Daniel Fernando ng vote-rich Bulacan na may higit dalawang milyong botante.
Para kay Fernando, kailangan ng Pilipinas ng presidenteng walang bahid ng mga alegasyon ng korapsyon at may malakas na paniniwala sa Panginoon.
Sa kaniyang pagdalaw sa Cagayan sa Norte noong Sabado, ika-12 ng Marso, naghayag rin ng suporta para kay Robredo si dating Governor Alvaro Antonio, na dating tumulak sa kandidatura sa pagka-senador ng kalaban ni Robredo na si BBM o Ferdinand Marcos Jr.
Sa kabila nito, bigo si Antonio na makakuha tulong kay BBM para sa mga taga Cagayan nang sila ay masalanta ng bagyo.
“Ni singkong duling, kahit nunal” walang nakuha ang Cagayan mula kay BBM, sabi ni Antonio.
Samantalang si Robredo, bagamat malaki ang pagkatalo sa tinaguriang “Solid North” na balwarte ni BBM, agarang umaksyon.
Isa si Robredo sa unang tumulong sa bayan ng Alcala na lumubog sa baha bunsod ng Bagyong Ulysses noong Disyembre 2020.
Dahil dito, suportado rin ng kaniyang anak na si Alcala Mayor Cristina Antonio ang kandidatura ni Robredo.
Bukod sa mga lokal na opisyal, kaliwa’t kanan din ang endorsement para kay Robredo mula sa iba’t-ibang sektor kamakailan kabilang ang mga Philippine Science High School scholars at dating mga faculty, Sillimanians, Asian Institute of Management (AIM), Council of the Laity of Romblon, higit limang daang mga pari at madre, higit isandaang law deans at professors, at marami pang iba.
Patuloy namang pagsisikapan ang pangangampanya ni Robredo na ngayong linggo ay nag-iikot sa iba’t ibang lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Central Mindanao at Zamboanga Peninsula.