Inihayag ngayon ni Vice President Leni Robredo na wala pa siyang natatanggap na anumang mensahe ng paumanhin mula kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.
Ayon kay VP Leni, post lang ni Panelo sa Twitter account nito ang kaniyang nabasa na tila hindi pa sinsero.
Para kay Robredo, malisyoso ang mga sinabi ni Panelo na pumapapel at namumulitika na siya.
Aniya, iresponsable rin ang pahayag ni Panelo na sinabayan niya ang relief goods na dala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para palabasin na kaniya ang nasabing tulong gayung wala naman itong katotohanan.
Matatandaan na una nang sinabi ni Panelo na nag-sorry na raw siya kay VP Leni dahil lamang sa maling impormasyon na kaniyang nakuha na ginamit lamang ni Robredo ang C130 plane sa paghatid ng relief goods sa Catanduanes.
Samantala, payo naman ni Professor at Atty. Marichu Lambino ng University of the Philippines College of Mass Communication na dapat nagsasagawa muna ng fact checking bago ilahad ang isang pangyayari.
Sa kaso ng nangyari sa Pangulong Rodrigo Duterte, dapat daw ay ipinasuri muna ng Pangulo sa kaniyang mga tauhan ang impormasyon bago siya nagsalita.
Dapat din daw na alam ng Pangulong Duterte kung sino ang nararapat niyang pakinggan bago siya magbigay ng pahayag sa publiko.