Nagpahayag ng pasasalamat si Bise Presidente Leni Robredo sa Alyansa Agrikultura sa kanilang pagsuporta sa kanyang pagtakbo bilang Pangulo sa eleksyon sa Mayo 2022 na kanilang inanunsyo nuong araw ng Pasko.
Si VP Leni ang kauna-unahang kandidato pagka-Pangulo na hayagang sinuportahan ng Alyansa Agrikultura mula nang nabuo ang grupo nuong 2003.
Ayon kay Arsenio Tanchuling, presidente ng Alyansa Agrikultura, dahil sa kasalukuhang krisis sa sektor ay nagdesisyon sila na si VP Leni ang “best candidate for President” dahil sa kanyang napatunayan na na track record at sa pangako niyang palalahukin ang mga sektor sa pamumuno.
Dagdag ni Tanchuling, bibigayn ni VP Leni ng magandang kinabukasan ang agrikultura at ang mga magsasaka at mangingisda na matagal nang na-abuso at hindi nabibigyan ng pansin.
Sa Agri 2022 Online Forum noong Nobyembre na inorganisa ng Alyansa Agrikultura, ipinangako ni VP Leni na dodoblehin niya ang budget para agrikultura at pag-aralang maigi ang alokasyon ng budget na ito sa unang taon ng kanyang panunungkulan bilang pangulo. Naniniwala si VP Leni sa malaking potensyal ng agrikultura na makabigay ng hanapbuhay sa maraming Pilipino.
Bago pa man siya pumasok sa pulitika ay matatag na ang pakikitungo ni VP Leni sa mga magasasaka at mangingisda dahil siya ay naging abogado nila sa Naga. Alam na alam ni VP Leni ang kanilang mga pangangailangan kaya agad syang nakakatugon sa mga ito.
Pumangalawa muli si VP Leni sa pinakahuling presidential survey na ginawa ng Pulse Asia, patunay na dumarami at lumalakas ang suporta sa kanya.