VP RACE | Pagpabor ng PET sa 25% threshold sa kampo ni Robredo, fake news – Atty. Chong

Manila, Philippines – Tinawag na fake news ng election advocate na si Atty. Glen Chong ang pag-angkin ng kampo ni Vice President Leni Robredo na pumabor ang Presidential Electoral Tribunal (PET) kaugnay sa 25% ng vote shading threshold.

Ayon kay Glen Chong, kung babasahing maigi ang 26-page resolution ng PET, walang deklarasyon dito na 25% na ang threshold na ipapatupad.

Sa katunayan aniya malinaw na sinabi ng PET na hindi isyu sa revision proceedings ang threshold dahil ang threshold na ginamit ng VCM ay hindi ang pinal na determinant o basehan kung ang boto ay bibilangin pabor kaninuman kina BBM o kay Robredo.


Ang mga balota ay isasailalim pa sa pagbusisi ng PET upang malaman ang totoong intensyon ng mga botante at titimbangin ito ayon sa objections at claims ng magkabilang panig.

Paulit-ulit aniya ang paglilinaw ng PET na hindi ito pinaalam ng COMELEC na 25% ang threshold na ginamit nila sa mga VCM noong halalan.

Malinaw din dagdag ni Chong na ang sulat ni COMELEC Commissioner Guia, ang RMA guide na ibinigay nila sa PET ay hindi sapat na basehan upang baguhin o amyendahan ang rules ng PET.

Sinabi pa ng PET na ang RMA guide ay hindi official issuance o official act ng COMELEC kaya wala talagang legal na basehan upang baguhin o amyendahan ang 2010 PET rules, lalong-lalo na sa isyu ng revision ng mga balota.

Facebook Comments