Manila, Philippines – Ayaw na raw patulan ni Vice President Leni Robredo ang pagtawag sa kanyang “boba” ni Foreign Affairs Secretary Teodore Locsin Jr.
Ito ay makaraan niyang kuwestiyunin ang pabigla-biglang pagkansela ni Locsin sa diplomatic passport ng mga dating ambassador at kalihim ng DFA.
Sabi ni Robredo – kahit kailan ay hindi siya pumatol sa mga usapang bastusan.
Hindi rin aniya ito kabawasan sa pagkatao niya at bahala nang tao ang manghusga.
Ayaw naman palagpasin ni Liberal Party President Senator Kiko Pangilinan ang pang-iinsulto at pambabastos ni Locsin sa Bise Presidente.
Giit ng senador – dapat na managot ang kalihim dahil ang ginawa nito ay paglabag sa Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Samantala, sa kanyang Twitter account sinagot ni Locsin ng “noted” ang naging pahayag ni Pangilinan.