Pinamamadali na ni Vice President Leni Robredo sa administrasyong Duterte ang rehabilitasyon ng Marawi City.
Sa ipinalabas na kalatas, sinabi ng Bise Presidente na mistulang hindi nagagamit ng maayos ang P36.9 million na cash donations para sa mga biktima ng bakbakan sa pagitan ng militar at Maute-ISIS dalawang taon na ang nakalilipas.
Ginawa ni Robredo ang panawagan matapos punain ng Commission on Audit (COA) ang Office of Civil Defense (OCD) dahil nasa P10,000 ng donated funds pa lamang ang nagagastos sa Marawi rehabilitation.
Aniya, ang anumang pagbabago sa ground zero ay tunay na patunay na may positibong pag-unlad sa ginagawang rehabilitasyon.
Idinagdag ng Bise Presidente na dapat pakinggan ng administrasyong Duterte ang reklamo ng mga apektadong residente na tila hindi sila isinasama sa pagplano sa development sa proyekto para sa pagbangon ng Marawi City.
Binisita kasi ni Robredo noong Abril ang Marawi kung saan naglabas sa kaniya ng saloobin ang mga residente.