VP Robredo, bukas na kumandidato sa anumang posisyon sa 2022; Pero pagtakbo sa lokal, mas matimbang

Nananatiling bukas si Vice President Leni Robredo sa posibilidad na tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.

Sa harap ito ng mga ulat na umano’y planong pagkandidato ni Robredo bilang gobernador ng Camarines Sur.

Kasunod ito ng umano’y napapadalas na uwi ng bise presidente sa Bicol at ang pagpapalit nito ng residence na sinasabing bahagi ng kanyang paghahanda sa pulitika.


Pero paglilinaw ni Robredo, sa loob ng taong ito, dalawang beses pa lamang siyang nakakauwi sa Naga habang hindi niya itinanggi ang pagpapagawa ng bahay sa isa sa mga property na naiwan ng kanilang mga magulang.

“So, ‘pag sinabing naglalakad na ko sa pulitika, hindi totoo. Wala pa kong tinanggap na political meetings, wala pa kong meetings sa mga local officials, matatanong nila yan Ka Ely, wala dahil tutok na tutok nga ako dito [sa pandemya],” paliwanag ni Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.

“Siguro kung walang pandemya, mas may panahon akong asikasuhin yung pulitika,” dagdag niya.

Bagama’t hindi isinasara ang sarili sa posibilidad na tumakbong pangulo ng bansa, aminado si Robredo na mas nais niyang kumandidato sa local positions.

“Hindi ko nga alam Ka Ely kung kakandidato pa ko. Pero kung kakandidato pa ako, mas attractive talaga sakin yung lokal. Ang hinahanap ko kasi yung engagement sa ground. Ever since naman yung trabaho ko sa communities e,” aniya.

“Pero ako, despite that, naiintindihan ko na may mga responsibilities ako kaya nga hindi pa ko sarado na hindi pa ko magkakandidatong presidente. Kasi anything is possible,” dagdag pa niya.

Facebook Comments