Pinuna ni Vice President Leni Robredo ang datos ng Department of Health (DOH) sa daily COVID-19 report ukol sa availability ng hospital beds.
Batay sa DOH case bulletin nitong Lunes (March 29), sa National Capital Region (NCR) ay may 76% intensive care unit (ICU) beds, 70% isolation beds, 59% ng ward beds at 57% ng ventilators ang nagagamit.
Sa Facebook post, sinabi ni Robredo na dapat magbigay ang pamahalaan ng mas accurate na datos para makita ang tunay na sitwasyon ng COVID-19 sa mga ospital.
Lumalabas aniya sa mga datos na mayroon pang available na kwarto ang mga ospital para tumanggap ng mga pasyente.
Pero iginiit ni Robredo na iba ang nasa reyalidad, dahil marami ang humihingi ng tulong na makahanap ng ospital.
Mayroong dalawang posibleng paliwanag ang ibinigay sa kanya ng grupo ng mga doktor – una ay hindi sumasalamin ang DOH data sa available emergency room beds, at ang ikalawa ay hindi updated ang hospital bed capacity.