Pinuri ni Vice President Leni Robredo ang mga ginagawang hakbang ngayon ni Philippine National Police Chief General Guillermo Eleazar.
Ayon kay Robredo, “encouraging” ang pamumuno ni Eleazar sa PNP dahil sa pagtiyak nitong susugpuin ang scalawag at paparusahan ang mga tiwaling pulis.
Kung ikukumpara aniya sa mga nagdaang PNP leadership, tanging si Eleazar lang ang kumilala sa mga problema ng ilang miyembro ng organisasyon.
Dagdag pa ng pangalawang pangulo, mahusay na ang ipinapakitang trabaho noon ni Eleazar bilang pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at hepe ng Quezon City Police District (QCPD).
“Tingin ko si General Eleazar is making all the rights steps: Una, sa pagsabi na gagawan namin ng paraan, hindi makakalusot nang hindi pinapatawan ng penalties o punishment yung mga hindi maayos yung gawa,” saad Robredo.
“Ito yung sinasabi natin two years ago pa nung nag-ICAD tayo na kung ipakita lang ng PNP leadership na hindi niya ito-tolerate yung masama, malaking bagay sa pagsalba ng institusyon.”
Bukod dito, pinuri din ni Robredo ang PNP chief sa pagbibigay ng access sa Department of Justice ng mga impormasyon ukol sa anti-drug police operations, kabilang ang 61 kaso ng mismong mga tauhan nito.
“Ang laking bagay nito, sana tuloy tuloy, para maayos naman, ma-strengthen yung institution at malinis yung magandang pangalan. Kasi tingin ko, yung reputation, nag-suffer talaga because of extra judicial killings” dagdag niya.