Hinamon ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate si Vice President Leni Robredo na tutukan ang mga kaso ng extra-judicial killings na may kinalaman sa iligal na droga sa bansa.
Ayon kay Zarate, bagamat may mga reservations sila sa MAKABAYAN sa pagtanggap ni VP Robredo sa posisyon bilang Co-Chairman ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs, hamon nila sa ikalawang Pangulo na unahing aksyunan ang EJKs gayundin ang paimbestigahan ang mga sangkot dito.
Partikular aniya na dapat siyasatin ay ang mga police officers na dawit sa pagpatay sa 5,000 katao dahil sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel.
Hiniling din ni Zarate kay Robredo na isapubliko ang lahat ng datos ng isinagawang drug operation.
Iminungkahi din nito sa Bise Presidente na payagan ang UN investigators at mag-facilitate ng imbestigasyon ng ibang independent bodies na silipin ang tunay na sitwasyon sa anti-drug campaign ng administrasyon.
Iginiit ng kongresista na nararapat lamang na malaman ng publiko ang katotohanan sa likod ng madugong gyera kontra droga.