VP Robredo, hindi imbitado “physically” sa Batasang Pambansa sa SONA ni Pangulong Duterte bukas

Nilinaw ni Vice President Leni Robredo na hindi siya inimbitahang dumalo “physically” sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasang Pambansa bukas.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na ang natanggap nilang imbitasyon ay sa zoom.

Gayunman, tiniyak ni Robredo na makikilahok siya sa zoom dahil obligasyon niya aniya ito bilang bise presidente.


“Hindi ako imbitado sa House of Representatives. Ang na-receive namin na invitation ay zoom, so ‘yun yung pupuntahan ko. Ako naman lahat ng invitation basta obligasyon pinupuntahan natin except lang ‘pag may conflict,” ani Robredo.

Umaasa naman si Robredo na kumpleto ang ulat na ilalahad ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA.

Bukod sa pagtalakay sa COVID Recovery Plan, dapat din aniyang mag-report ang pangulo sa kung ano ang nangyari sa nakalipas na taon at ang mga plano nito para sa susunod na taon.

“Alam natin na grabe yung tama ng COVID. Pero gusto nating malaman sa SONA ano yung plano. Matagal na nating tinatanong kasi parang hindi kumpleto yung napapanood natin sa weekly meeting. Maa-appreciate natin yung recovery plan pero ang problema kasi patuloy pa rin yung pagtaas ng kaso. So ang gusto nating marinig, ano ba yung mga plano para ma-arrest yung pagtaas ng kaso,” dagdag ni Robredo.

Facebook Comments