Hindi makapaniwala si Vice President Leni Robredo na ang pagpapahinto sa pagsasagawa ng lifestyle checks sa mga public officials at paghihigpit sa publiko na ma-access ang statements of assets, liabilities and net worths (SALN) ay manggagaling pa mismo kay Ombudsman Samuel Martires.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ni Robredo na ang bagong direktiba ng Ombudsman ay magbibigay lamang sa mga public official ng “lisensya” para itago ang kanilang yaman.
Iginiit ni Robredo, mahalaga ang paghahain ng SALN dahil kailangan ito para makuha ang tiwala ng publiko.
Ang pag-alis sa SALN ay nagbibigay lamang ng mensahe sa publiko na hindi prayoridad ng pamahalaan ang paglaban sa korapsyon.
Ang paghahain ng SALN ay nakamandato sa ilalim ng Republic Act No. 6173 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Una nang sinabi ni Martires na “illogical” at “vague” ang ilang probisyon ng batas at kailangan na itong amyendahan.