VP Robredo, hindi mamadaliin ang sarili sa pagdedesisyon para sa halalan

Binigyang-diin ni Vice President Leni Robredo na mayroon pa siyang dalawang linggo para magdesisyon ukol sa magiging pinal na plano niya sa May 2022 elections.

Kasunod ito ng panghihikayat sa kanya maglabas na ng desisyon kung tatakbo o hindi sa halalan.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN, iginiit ni Robredo na hindi niya mamadaliin ang kanyang sarili dahil hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asang makabuo ng unified opposition candidate.


“Wala naman akong choice kundi magdesisyon bago mag-October 8… Pero sa’kin kasi, dalawang linggo pa. Tinitingnan natin kung may pag-asa pang magsama-sama. Siguro merong iba na hindi na natin maaaya pero hanggang may communication lines pang bukas, patuloy ko yung ipu-pursue,” ani Robredo.

Naniniwala naman si Robredo na hindi dapat maging batayan ng kandidatura ang mga pre-election survey at popularidad.

Apela niya sa lahat, magdesisyon nang isinasaalang-alang ang ikabubuti ng bansa.

“Naiintindihan ko yung difficulty. ‘Yung difficulty, lahat kami may supporters e, na kapag nagdesisyon kami, lalo na kapag ang desisyon namin mag-i-slide down o ang desisyon namin hindi na kakandidato, magtatampo samin yung supporters namin, yung iba magagalit pa,” saad pa niya.

“Pero ang pinakapunto lang naman dun, ultimately sino yung pinaninilbihan natin. Di ba ultimately ang paninilbihan natin yung bansa e, na sana yung parameters na tinitingnan namin, kung ano yung makakabuti.”

Muli namang iginiit ni Robredo ang mga konsiderasyon niya sa pagdedesisyon gaya ng pagpigil na makabalik sa kapangyarihan ang mga Marcos at mahinto ang korapsyon.

“Sigurado sa akin, na yung determining factor sakin, yung parating tanong ko sa sarili ko, ‘yung pagkandidato ko ba makakatulong sa pagtigil ng pagbabalik ng mga Marcos. O yung pagkandidato ko ba, makakatulong sa pagharang na patuloy pa rin yung ganitong klaseng paggo-gobyerno na ‘to? Yun parati ang tanong, kasi kung lalong makasama, bakit pa ko magkakandidato,” dagdag pa ni Robredo.

Facebook Comments