Tiniyak ni si Vice President Leni Robredo na dadalo siya sa isasagawang dry-run ng Department of Education (DepEd) para sa implementasyon ng blended learning sa August 10.
Kasunod ito ng imbitasyon ng ahensya sa bise presidente na ipinarating ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila, binanggit ni Robredo na nakadalo na siya sa unang simulation ng DepEd na ginawa sa isang paaralan sa Navotas noong Hulyo.
Bagama’t pinuri niya ang kahandaan ng lungsod para sa blended learning, iginiit ni Robredo na hindi sapat ang dry-run lang.
Giit niya, hindi tama na sa magagandang lugar lang magkaroon ng simulation kung ang layon nito ay ipakitang handa ang mga eskwelahan para sa blended learning.
Dapat din aniyang tingnan ng DepEd ang mga posibleng maging problema sa pagpapatupad nito sa mga liblib na lugar kung saan walang kuryente at internet connection.
Kaugnay nito, iminungkahi niya na magsagawa rin ng dry-run sa mga pinakamalalayong lugar para makagawa ng alternatibong pamamaraan para sa mga batang walang gadget at walang magulang na tutulong sa kanila sa pag-aaral sa bahay.