Binigyang diin ni Vice President Leni Robredo ang kahalagahan ng pagbuo ng pandemic control platform para mapalakas ang contact tracing efforts ng pamahalaan sa ilalim ng COVID-19 response.
Ito ang isa sa mga bagong suhestiyon ng Bise Presidente sa administrasyon para makatulong sa pagtunton sa mga indibidwal na nagkaroon ng exposure o contact sa virus.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ni Robredo na mahirap na i-manu-mano ang lahat ng proseso.
Sang-ayon siya sa pag-hire ng Department of Health (DOH) ng karagdagang validators ngunit mataas ang tiyansang magkamali ang mga datos.
Dapat aniya magkaroon ang publiko ng app-based platform na mayroong Quick Response o QR codes para abisuhan ang kanilang exposure sa COVID-19 cases at magno-notify sa Local Government Units (LGU) kung ang mga nagkaroon ng COVID-19 infection ay kailangan ng urgent reponse.
Para kay Robredo, nababagalan pa rin siya sa contact tracing efforts ng pamahalaan.
Binanggit ni Robredo na naging epektibo ang contact tracing sa ibang bansa dahil sa paggamit ng teknolohiya tulad ng Trace Together application ng Singapore.