Umaasa si Vice President Leni Robredo na ang Department of Education (DepEd) ay maglalabas ng bagong report ukol sa kasalukuyang estado ng edukasyon sa Pilipinas.
Ito ang pahayag ng bise presidente matapos sabihin ng kagawaran na ang report na inilabas ng World Bank (WB) ay hindi na updated.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, hinihingan ni Robredo ang DepEd ng bagong datos ukol sa learning proficiency ng mga Pilipinong estudyante para malaman kung sila talaga ay natututo.
“Kasi kapag lumabas iyong bago dun natin makikita kung saan ang improvement, kung meron,” ani Robredo.
“Sana magkaroon ng parang update based on the latest data para mas alam natin kung saan tayo ngayon,” dagdag ng bise presidente.
Aniya, mas lumalala pa ang mga problema dahil sa hirap ng pagpapatupad ng online learning at maraming estudyante ang hindi nakakapasok na sa kanilang mga eskwelahan.
Ipinunto rin ni Robredo na ang DepEd dati ang ahensyang may malaking alokasyon mula sa national budget, subalit noong 2018 hanggang ngayong taon ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang may mataas na alokasyon.
Ngayong taon, ang DPWH ay may ₱694 billion na budget kumpara sa DepEd na may ₱557 billion.