Manila, Philippines – Nagsumite na si Vice President Leni Robredo ng kaniyang counter-affidavit sa reklamong sedition na isinampa laban sa kaniya at higit 30 iba pa ng PNP-CIDG.
Laman ng counter-affidavit, itinanggi ni Robredo na nagkita sila ni Peter Joemel Advincula “alyas Bikoy.”
Base sa pahayag ni Bikoy, alas-4:00 ng hapon nitong March 4 nang magkita sila ni Robredo sa Ateneo kasama ang iba pang senatorial candidates ng Otso Diretso.
Nakasaad naman sa omnibus comment ng Office of the Solicitor General (OSG) na paulit-ulit silang nagkita ni Robredo at Bikoy.
Ayon kay Atty. Marlon Manuel, abogado ni Robredo –kinontra nila ang mga alegasyon ni Bikoy sa pamamagitan ng pagpasa ng mga litrato at video na nagpapakitang nasa Bocaue at Bustos sa Bulacan siya mula alas-10:30 ng umaga hanggang alas-5:15 ng hapon at hindi rin siya nakauwi hanggang alas-6:30 ng gabi.
Dagdag pa ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ng Bise Presidente – mas minabuti na nilang magpasa ng kontra-salaysay matapos marinig sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at sa Office of the Solicitor General (OSG) na wala na silang ibang ebidensya.
Ang tanging inilabas lamang ng CIDG ay ang salaysay ni Bikoy at ang mga viral video.
Wala ang mga sinasabing mensahe at dokumento, maging ang mga ebidensyang mag-uugnay sa mga respondent sa Duterte ouster plot.
Iniutos na ng DOJ Panel of Prosecutors na magsumite ng kanilang counter-affidavit sa susunod na pagdinig sa September 6.