Naniniwala si Vice President Leni Robredo na may mga nagtatangkang patalsikin sa top 12 ng pre-election surveys sina Senator Bam Aquino at dating Interior Secretary Mar Roxas.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Robredo na napansin niyang bumababa ang ranggo ng mga pambato ng Otso Diretso sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Aniya, may “operasyong” pumipigil na papasukin ang mga pambato ng oposisyon sa top 12.
Hindi naman idinetalye ng bise presidente ang sinasabing ‘operation’ at kung sinu-sino ang mga nasa likod nito.
Aminado naman si Robredo na kulang ang kanilang makinarya para sa kampanya.
Dahil dito, binigyang diin ni Robredo na kailangang paigtingin ng oposisyon ang kanilang pangangampanya.
Para kay Presidential spokesperson Salvador Panelo – sadyang malakas lamang si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Pilipino kaya nabubuhat niya ang kanyang mga pambato.
Base sa Pulse Asia Election Survey na isinagawa mula March 23 hanggang 27, sina Senators Grace Poe at Cynthia Villar pa rin ang nananatiling nangunguna sa karera.
Sampung kandidato pumasok sa survey ay mula sa mga pambato ng Hugpong ng Pagbabago (HNP), isang independent at isang mula sa UNA o United Nationalist Alliance.
Wala namang pambato mula sa Otso Diretso ang nakapasok sa magic 12.