VP Robredo, iginiit na wala siyang intensyong makipagkompitensya lalo na sa typhoon response; tinawag ang Pangulo na ‘misogynist’

Nanindigan si Vice President Leni Robredo na wala siyang intensyong makipagkompitensya kay Pangulong Rodrigo Duterte lalo na sa pagtugon sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses.

Sa serye ng tweets, sinabi ni Robredo na ginagawa lamang niya ang kanyang tungkulin na rumesponde sa panawagan ng mga biktima ng bagyo na nangangailangan ng tulong.

Iginiit din ng Bise Presidente na sa panahon ng matinding sakuna ay dapat nagtutulungan ang lahat.


Paglilinaw niya, walang contest na nagaganap at hindi ito paunahan ng pagtugon sa mga nasalantang kababayan.

Dagdag pa ni Robredo, nakipag-coordinate lamang ang kanyang tanggapan sa mga kaukulang ahensya at awtoridad para sa rescue efforts.

Pinapanagot ni Robredo si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo at sa lahat ng mga nagpakalat ng fake news na sinabi niya ang “Nasaan ang Pangulo?”

Bukod dito, itinanggi rin ni Robredo na may sinabi siyang absent ang Pangulo sa pananalasa ng bagyo.

Banat pa ng Bise Presidente, bumababa ang lebel ng talakayan kung ang isang Pangulo ay isang “misogynist” o woman hater.

Kaugnay nito, nagpakita pa ng video si Robredo kung saan abala ang kanyang staff at volunteers sa pag-aayos ng relief goods para sa mga naapektuhan ng bagyo.

Sa hiwalay na statement, sinabi ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez na ginagamit ng ilang opisyal ang kalamidad para mamulitika.

Facebook Comments