Nanindigan si Vice President Leni Robredo na hindi siya hihingi ng patawad dahil lamang sa mga tweets ng kanyang mga anak na pinuna ng Malacañang.
Matatandaang ipinakita ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang screenshots ng tweets ng kanyang mga anak na sina Tricia at Aika na tila hinahanap si Pangulong Rodrigo Duterte sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, ipinagtanggol ni Robredo ang kanyang mga anak at iginiit na wala sinuman sa kanila ang magpupursigeng pumasok sa pulitika kahit bahagi na ng kanilang buhay ang public service.
Aniya, hindi umaasa ang kanyang mga anak sa kaniyang pangalan o impluwensya.
Nakakamit ng kanyang mga anak ang mga bagay na nais dahil sa kanilang pagsisikap at sipag.
Mayroon ding sariling relief assistance drives ang kaniyang mga anak para sa mga nasalanta ng bagyo, kung saan ang isa niyang anak na si Jillian ay nakalikom ng ₱1 million para tulungan ang isang komunidad sa Pasacao, Camarines Sur.
Tulad niya, inaatake rin ng online trolls ang kanyang mga anak, pero hindi sila bababa sa lebel ng mga ito.
Muling nilinaw ni Robredo na hindi nakikipagkompitensya ang kanyang opisina laban sa gobyerno.