VP Robredo, nababagalan sa rollout at deployment ng COVID-19 vaccines

Posibleng hindi na kayanin ng healthcare system ng bansa sakaling lalo pang tumaas ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 kada araw.

Ito ang pangamba ni Vice President Leni Robredo matapos na makapagtala ng 7,999 na bagong kaso ng COVID-19 kahapon, ang pinakamataas na bilang na naitala mula nang mag-umpisa ang pandemya.

Ayon kay Robredo, kung hindi maaawat ang pagkalat ng virus, posibleng mapuno na ang mga ospital at mas marami ang mamamatay dahil pati ang mga non-COVID patient ay hindi na maaasikaso.


“Maraming ospital sa Maynila ay na-reach na yung kanilang parang red flag na capacity kasi yung ICU capacity natin ngayon parang pumapalo na ng 70% na ang sinasabi ng OCTA, kapag hindi ito nagbago ay magiging 100% siya sa first week of April,” ani Robredo.

“Ano ang implikasyon nito? Number one, kapag meron pang mga pasyenteng darating, hindi na natin maa-accommodate. Number two na isa sa pinakamalaking problema, pati yung mga non-COVID, hindi na natin maaasikaso at maraming mamamatay kung hindi natin sila maaasikaso,” dagdag niya.

Dahil sa mataas na kasong naitala kahapon, itinaas din ng OCTA Research Group sa 10,000 ang bilang ng kasong maaaring maitala kada araw sa Metro Manila pagsapit ng katapusan ng Marso at kung magtutuloy-tuloy ay posible pang pumalo sa 20,000 sa Abril.

Para kay Robredo, bakuna pa rin ang pinaka-solusyon para mapababa ang kaso ng COVID-19.

Pero bukod sa suplay, isa rin sa nakikita niyang problema ay ang mabagal na rollout at deployment ng mga bakuna.

“Yung supply na nakuna natin na 1,125,600 as of March 17, ang nababakunahan pa lang ay 269,583. Pag kinuwenta mo ‘to Ka Ely, 23.95% pa lang. So, hindi nga supply lang yung problema, malaking problema yung rollout, yung deployment,” saad niya.

“Parang sirang plaka na tayo rito e, na habang wala pang bakuna, paghandaan na natin yung deployment para pagdating niya, mabilis natin made-deploy.”

Facebook Comments