Nagbigay babala si Vice President Leni Robredo sa publiko hinggil sa kumakalat na fake post tungkol sa kaniya sa social media.
Ipinaskil ni Robredo sa kaniyang account ang screenshot ng isang quote na umano’y binitawan niya.
Nakasaad sa quote na itinatanggi ni Robredo ay: “Ang Pilipinas ay nababalot ng kadiliman, ibalik natin ang dating sigla ng bawat mamamayan. I’m ready to become a president of the Philippines.”
Kumalat ang nasabing quote sa social media na may kasamang litrato ni Robredo.
Iginiit ni Robredo na wala siyang binitawang pahayag na kahalintulad sa naturang viral quote.
Hindi rin matukoy ni Robredo kung saan at kung kanino nanggaling ang fake news.
Nagpaalala ang Bise Presidente sa publiko na maging kritikal sa kanilang mga nakikita sa social media at i-report ang mga nagpapakalat ng fake news, lalo na sa panahon ng pandemya.