Kasalukuyang naka-quarantine si Vice President Leni Robredo matapos ma-expose sa isang COVID-19 positive individual noong nakaraang linggo.
Sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila, sinabi ni Robredo na nagkaroon siya ng contact sa isang COVID positive person na hindi bahagi ng kaniyang staff.
Kinansela na niya ang lahat ng physical meetings nitong weekend at ginawa na lamang itong online meetings.
Pagtitiyak ni Robredo na wala siyang nararamdaman na anuman at tatalima siya sa quarantine guidelines ng pamahalaan.
Hindi aniya ito ang unang beses na na-expose siya sa COVID-19 dahil isa sa kaniyang staff noon ang napositibo rin sa sakit.
Nabatid na abala ang Bise Presidente sa pagdalo ng iba’t ibang turn over ceremonies para sa livelihood programs at community learning hubs sa iba’t ibang bahagi ng bansa.