VP Robredo, nanawagan ng maayos na coordination sa mga transportation officials para maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad ng anumang polisiya

Umapela si Vice President Leni Robredo sa transportation officials na magkaroon ng maayos na koordinasyon bago magpatupad ng anumang polisiya para maiwasan ang kalituhan sa publiko.

Ito ang pahayag ng Bise Presidente matapos ipatupad ng Department of Transportation (DOTr) ang cashless transaction para sa mga public utility buses na dumadaan sa EDSA Busway.

Sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila, sinabi ni Robredo na bagama’t suportado niya ang gawing cashless ang pagbabayad ng pamasahe sa mga pampublikong transportasyon, mahalaga aniyang naaabisuhan nang maayos ang publiko nang maaga hinggil sa bagong polisiya.


Inihalimbawa ni Robredo ang dating polisiya ni DOTr na bawasan ang distansya sa pagitan ng mga pasahero sa 0.75 meters mula sa isang metro na inirerekomenda ng World Health Organization (WHO).

Iginiit din ng Bise Presidente na dapat sagutin ng pamahalaan ang mga beep cards ng libre para mabawasan ang pasanin ng mga pasahero.

Sa ngayon, suspendido na ang mandatory na paggamit ng beep cards sa EDSA Busway system.

Facebook Comments