VP Robredo, nanawagan ng periodic assessment para sa COVID-19 pandemic

Iginiit ni Vice President Leni Robredo na kailangan magsagawa ang pamahalaan ng “periodic assessment” sa state of calamity status ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, nagtataka si Robredo kung bakit pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity hanggang sa susunod na taon.

Sinabi ni Robredo na dapat nagkaroon ng assessment kung kailangan pa ang nasabing deklarasyon.


“Kasi gusto bang sabihin na ganoon katagal iyong emergency situation natin? Kasi kung ganoon katagal, parang nakakatakot para sa atin,” sabi ni Robredo.

Sinabi ni Robredo na inaasahan naman niya na palalawigin ng Pangulo ang March decleration lalo na at kinakailangan ito sa pagtugon sa pandemya.

“Kasi iyong pagdedesisyon, mas mabilisan eh, dahil nasa krisis nga tayo. Pero hindi ko lang alam kung ano iyong basehan na hanggang 2021,” ani Robredo.

Dagdag pa ng Bise Presidente na handa ang Office of the Vice President na tumulong sa pamahalaan sa pagsasagawa ng periodic assessments.

Nabatid na pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Proclamation No. 1021 nitong September 16 matapos irekomenda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na palawigin hanggang September 12, 2021 ang deklarasyon ng state of calamity sa buong bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa ilalim nito, magagamit ng National at Local Government Units ang Quick Response Funds at makokontrol ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Facebook Comments