VP Robredo, nanawagan sa mga tagasuporta na ilaan ang pondo sa mga nangangailangan at hindi sa presidential campaign

Sa halip na maglunsad ng fundraiser para hindi tiyak na pagtakbo sa pagkapangulo sa susunod na taon, hinimok ni Vice President Leni Robredo ang kanyang mga taga-suporta na gamitin ang pondo para tulungan ang mga apektado ng COVID-19 pandemic.

Ito ang pahayag ni Robredo makaraang maglunsad ang kanyang supporters ng petisyong hinihikayat siyang tumakbo sa pagkapangulo sa 2022 elections.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, nagpapasalamat si Robredo sa mga natatanggap na suporta.


Pero nakiusap ang Bise Presidente sa mga supporter na huwag munang isipin ang halalan lalo na at bumabangon pa ang bansa mula sa health crisis.

“Appreciative naman ako sa suporta tsaka sa paniniwala ng ating mga kababayan. Sa akin lang, baka yung fundraising ‘wag na muna yun. Dapat ‘yung 2022 last ‘yun sa isip nating lahat. Baka pwedeng i-channel muna natin ‘yung ating energy sa paghanap ng paraan para makatulong,” sabi ni Robredo.

Dapat ang isinasagawang fund raising ng kanyang mga taga-suporta ay para sa mga naapektuhan ng pandemya.

“Siguro ‘yung mga grupo baka pag-isipan natin. Tulungan niyo kami kasi marami tayong mga kababyaang nangangailangan ngayon, asikusahin natin sila,” dagdag ng Bise Presidente.

 

Ang Office of the Vice President ay bukas na makipag-partner sa mga nais tumulong sa mga taong nangangailangan ngayong COVID-19 pandemic.

Facebook Comments