Nakiusap si Vice President Leni Robredo sa mga residente ng Metro Manila na magtiwala sa desisyon ng mga alkalde na ipatupad ang uniform curfew dahil makatutulong ito na mapigilan ang paglobo ng COVID-19 cases sa bansa.
Nabatid na ipatutupad na ngayong araw ang curfew sa National Capital Region (NCR) mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga sa loob ng dalawang linggo.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, batid ni Robredo na marami ang nagsasabi online na walang magagawa ang curfew para mapigilan ang pagtaas ng COVID-19 cases.
Pero sinabi ni Robredo na may tiwala siya sa mga local chief executives ng NCR dahil alam nila ang mga dapat gawin.
Binanggit din ni Robredo ang pagtutol ng Metro Manila mayors sa pagbubukas ng mga sinehan kahit pinayagan na ito ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Una nang sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benhur Abalos na sakop ng curfew ang lahat ng edad maliban sa essential workers.