VP Robredo, nanawagan sa WHO na manghimasok na sa isyu ng vaccine brand

Nakiusap si Vice President Leni Robredo sa World Health Organization (WHO) na manghimasok na at resolbahin ang problemang kinakaharap ng ilang bansa patungkol sa COVID-19 vaccine preference.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, binigyang diin ni Robredo ang kahalagahan para sa pamahalaan na intindihin kung saan nagmumula ang pag-aalangan ng mga tao sa bakuna.

“Dapat magstep-in iyong WHO na una, either sabihin niya huwag munang i-distribute kung merong problema or sabihan niya ‘yung mga bansa na dapat walang diskriminasyon,” sabi ni Robredo.


“Syempre, iyong mga bansa naman karapatan naman nila iyon, ‘di ba. Kasi bahagi iyon ng proteksyon ng kanilang mamamayan,” dagdag ng bise presidente.

Iginiit ni Robredo na malaki ang epekto nito sa mababang kumpiyansa ng mga tao sa bakuna sa bansa, kaya nanawagan siya sa gobyerno na huwag gawing propaganda ang isyu.

Sa halip na sisihin ang oposisyon, dapat alamin ng pamahalaan ang dahilan ng alinlangan ng mga tao sa bakuna para makagawa sila ng kampanya na sasagot sa tanong ng publiko.

“Hindi naman ito pwedeng daanin sa propaganda na sasabihin sinisiraan kasi ng oposisyon. Iyon ang narrative nila ngayon,” ani Robredo.

Bagamat isyu pa rin ang efficacy rates, sinabi ni Robredo na mahalagang magpabakuna ano pa man ang brand dahil napipigilan nito ang severe symptoms, hospitalization at kamatayan.

Pinatutungkulan din ni Robredo ang bago patakaran ng Saudi Arabia para sa mga banyagang manggagawa.

Ang mga dayuhang manggagawang papasok sa Saudi Arabia ay kailangang mag-quarantine sa loob ng pito hanggang 10 araw bago sila matuloy sa kanilang trabaho.

Ang sakop ng patakaran ay ang mga nabakunahan ng COVID-19 vaccine na hindi inawtorisa ng Saudi Arabia.

Tanging Pfizer-BioNTech, AstraZeneca, Moderna at Johnson & Johnson lamang ang mga inaprubahan ng Saudi Arabia para sa COVID-19 vaccines.

Facebook Comments