Umapela si Vice President Leni Robredo na huwag nang pag-usapan ang 2022 elections at magkaisa ang lahat lalo na at patuloy na bumabangon ang bansa mula sa mga nagdaang kalamidad.
Ayon kay Robredo, malayo pa ang eleksyon at marami pa ang maaaring mangyari.
Iginiit ni Robredo na wala siyang planong tumakbo sa pagkapangulo.
Maraming hamon ang kinahaharap ng bansa at ito ang dapat unang nireresolba gaya ng COVID-19 pandemic at serye ng mga bagyong nanalasa sa bansa.
Kung matatandaan, ang kaniyang unang kandidatura sa Kongreso ay last minute lamang at ganito rin ang nangyari nang mahalal siya bilang Bise Presidente.
Mahalaga aniyang tulungan ang mga nangangailangan sa panahong ito.
Dagdag pa ni Robredo, masyado siyang abala para isipin ang mga tirada sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Para sa kanya, ‘very unpresidential’ kay Pangulong Duterte na pagbantaan siya pero kaparatan naman niya na ihayag ang kanyang saloobin basta ay tama ang pinagbabasehan.
Naniniwala si Robredo na may nagbibigay ng maling impormasyon sa Pangulo kaya ganoon na lamang siya kapikon sa kanya.