Mananatiling naka-self-isolate si Vice President Leni Robredo kasabay ng pagdiriwang ng kanyang ika-56 na taong kaarawan ngayong araw, kahit negatibo ang lumabas na resulta ng kanyang RT-PCR test para sa COVID-19.
Matatandaang nagkaroon ng close contact si Robredo sa kanyang close-in security na nagpositibo sa COVID-19.
Sa kanyang Facebook, sinabi ni Robredo na bagamat negatibo na siya sa test ng dalawang beses ay pinayuhan pa rin siya ng kanyang doktor na tapusin ang 10-day minimum quarantine period.
Madalas ipinagdiriwang ni Robredo ang kanyang kaarawan sa pamamagitan ng pagdalo sa misa at at kasama lamang ang pamilya sa salu-salo.
Nagpapasalamat si Robredo sa mga bumati sa kanyang kaarawan lalo na sa kanyang mga kaibigan at mga tagasuporta.
Sa ilalim ng health protocols, maaring mag-self-quarantine sa loob ng 10 araw kung walang ipinapakita ang pasyente na anumang sintomas at nagkaroon ng dalawang negatibong test results.