Pinalagan ni Vice President Leni Robredo ang isang taga-laganap ng fake news hinggil sa kanyang isinasagawang relief operations sa mga nasalanta ng bagyo.
Sa kanyang Facebook Page, ibinahagi ni Robredo ang screenshot ng isang komento na ginawa ng isang netizen na nagpapakalat ng maling impormasyon.
Hinimok ng Bise Presidente ang publiko na i-report ang account na nagngangalang Rossica Louie Hendevee kung saan mayroon itong komentong: “Yung nanay nila pumunta dito sa San Mateo, Rizal. Namigay ng chicharon parang tangerds.”
“Pulutan? Ano ‘yon mag-iinuman kami? Papansin nanay niyo oy! May hakot pang media kaloka!” sabi pa ng netizen.
Ayon kay Robredo, walang problema kung pumuna ang publiko pero hindi na tamang magpakalat ng maling impormasyon.
Itinanggi ni Robredo na namahagi ng chicharon bilang bahagi ng kanilang relief operations sa San Mateo, Rizal.
Ang mga ipinamahagi nila ng kanyang team ay lugaw, food packs, mattresses, blankets, slippers, hygiene kits, at tubig.
Paglilinaw din ni Robredo na ang malaking supot ng fish crackers na ipinost niya noong Sabado ay ibinigay lamang sa kanila at ibinahagi sa mga volunteer repackers.
Una nang pinabulaanan ni Robredo na nagpatawag siya ng media sa kanyang pagbisita sa evacuation centers.