VP Robredo, “no regrets” sa kabila ng mga hamon sa OVP; Pagbibigay ng malaking mandato sa pangalawang pangulo, iminungkahi

Walang pinagsisisihan si Vice President Leni Robredo sa kabila ng mga hamong hinarap ng kanyang opisina sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Sa huling episode ng programang Biserbisyong Leni, sinabi ni Robredo na ang kawalan ng suporta mula sa ibang opisina ng gobyerno ang nagtulak sa kanila upang humanap ng mga paraan para makatulong.

Itinuturing din niya na ‘blessing in disguise’ ang mga paghihirap na dinanas nila sa loob ng anim na taon.


“Mas gugustuhin namin na kapag kailangan sana ng tulong ng opisina namin ay tutulungan kami. Pero dahil hindi kami tinuring na kakampi, hindi kami tinuring na bahagi ng pamahalaan, natuto kami. Natuto kami na maghanap ng paraan at to my mind, ‘yun ‘yung nagpahusay sa amin kasi kapag mahirap, nagiging mahusay ka eh,” ani Robredo.

“Pero sa amin, wala naman akong regrets. Gaya ng sinabi ko, kami lahat nag-a-agree sa Office of the Vice President, grabe ‘yung dinaanan namin. Grabe ‘yung dinaanan namin pero ayaw na naming ikuwento pa ‘yung dinaanan kasi para sa amin ‘yun ‘yung blessing.”

Kasabay nito, iminungkahi ng outgoing vice president na mabigyan ng mas malaking mandato ang pangalawang pangulo ng bansa upang higit na makapagserbisyo sa mga tao.

“Kailangan pag-isipan talaga kung papaano mas bibigyan ng mas malaking mandato ‘yung vice president kasi sayang. Sayang kung halimbawa hindi ka masyadong maging creative, sayang ‘yung opisina. Ang huhusay pa naman ng mga tao sa Office of the Vice President,” saad ni Robredo.

“I-rebisita kung papaano ba bibigyan ng mas malaking pagkakataon, mas malaking espasyo para mas may magawa,” dagdag pa niya.

Samantala, nakatanggap ang Office of the Vice President (OVP) sa ilalim ng pamumuno ni Robredo ng pinakamataas na audit rating mula sa Commission on Audit sa tatlong magkakasunod na taon.

Nakilala rin ang OVP sa flagship anti-poverty initiative nito na “Angat Buhay” na nakatakdang i-launch ni Robredo bilang isang non-government organization sa July 1, pagkatapos bumaba sa puwesto.

Facebook Comments