Dismayado si Vice President Leni Robredo sa nagpapatuloy na aktibidad ng China sa West Philippine Sea sa kabila ng naipanalong maritime arbitration ng Pilipinas noong 2016.
Bukas, July 12, ang ika-limang taong anibersayo ng pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbritation sa The Hague laban sa China.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na ang ika-limang taong panalo ng Pilipinas ay pagpapaalala na hindi pa tapos ang pakikipaglaban ng bansa sa nasabing usapin.
Noon lamang Marso, mahigit 200 Chinese fishing vessels ang namataan sa Julian Felipe Reef na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Pinuri ng bise presidente ang paghahain ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng maraming diplomatic protest laban sa China ukol dito.
Pero aniya, pwede sanang gamitin ng Pilipinas ang 2016 arbitral ruling para makipag-sanib-pwersa sa ibang mga bansa na mayroon ding claim sa West Philippine Sea.
“Pagpapaalala yung 5th anniversary bukas na mayroon tayong pinaglalaban pa, na marami tayong kababayan na nakabase doon ang kanilang hanapbuhay. Kasi yung pagkapanalo natin makasaysayan yun e, di ba? Tayo ang pinakaunang bansa na dinala ang China to arbitration,” ani Robredo.
“Yung parati nating inuulit, Ka Ely, pwede sana itong gamitin natin para makipag-collaborate doon sa ibang mga bansa na mayroon ding kanya-kanyang isyu sa West Philippine Sea.”
Bukod sa patuloy na pagpapalawak ng kontrol sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea, ikinadismaya rin ni Robredo ang patuloy na pambu-bully ng mga barko ng Tsina sa mga mangingisdang Pinoy.
“Mas malaki yung problema, ang pinag-uusapan ‘yung sovereignty, ‘yung encroachment sa territory pero ‘yung mukha talaga nito ‘yung maliliit na mangingisda na sumusubok lang mabuhay tapos sila pa ‘yung maha-harass, tatakutin, paalisin, ito yung sobrang nakakaawa,” dagdag niya.