Binatikos ni Vice President Leni Robredo ang panawagang “revolutionary government” ng isang grupo ng mga taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una rito, napaulat na nagtakda ng pulong ang Mayor Rodrigo Roa Duterte – National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) kung saan imbitado ang ilang opisyal ng pamahalaan para talakayin ang panukala.
Ayon kay Robredo, malaking kalokohan ang revolutionary government na tila may layong itapon ang Konstitusyon.
Ipinagtataka din niya kung bakit imbitado sa aktibidad ang hepe ng Philippine National Police (PNP) na siyang dapat nagbabantay sa Konstitusyon.
Giit pa ng bise president, panira ang usaping ito sa mga ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.
“Ang laking kalokohan niyan ka ely. Una, ang hinihingi dito, itapon ‘yung konstitusyon natin. D’yan pa lang, iligal na ‘yan. Ito yung panira talaga sa lahat ng ginagawa natin lalo na ngayong pandemic. ‘Yung lahat ng efforts natin dapat nasa COVID-19 pero ang pinag-uusapan natin Anti-Terror Bill, pagpapasara sa ABS [ABS-CBN], pag-ammend ng constitution, pagdeklara ng RevGov, federalism, maling-mali talaga siya,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN.
Kaugnay nito, hinimok ng bise presidente ang sinumang may awtoridad na ipatigil ang ganitong mga hakbang.
“Sana yung authorities na may poder, may mandate na hintuin ang ganitong exercise ay sana maayos siya kasi hindi siya nakakatulong,” dagdag pa ng bise presidente.