Nanindigan si Vice President Leni Robredo na hindi dapat hinihintay ng pamahalaan na magkaroon ng bakuna laban sa COVID-19 para matugunan ang health crisis sa bansa.
Ito ang sagot ng Bise Presidente sa patutsada sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang public address kung saan binanatan niya ang mga kritiko dahil sa patuloy na pagpuna sa COVID-19 response ng gobyerno.
Iginiit ni Robredo na kayang mapigilan ng bansa ang pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng “medical” at “non-medical” na pamamaraan.
Aniya, hindi sapat na magkaroon lamang ng ospital, kama at punerarya para tugunan ang pandemya.
Mahalagang solusyonan ng gobyerno ang mga panlipunang problema tulad ng kagutuman, kahirapan, at kawalan ng trabaho.
Dapat ding magkaroon ng restructure sa public at private finances at maibangon muli ang ekonomiya.
Banat pa ng Bise Presidente, ang virus, hindi mapapatay gamit ang pang-spray ng pesticide.